Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan naman ang isa pa matapos magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo dakong alas-8:35 ng umaga nitong Hunyo 20 sa Purok 2, Barangay Marasat Grande, San Mateo, Isabela.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jeffrey Viernes Isaet, driver ng isang Honda ADV160, habang ang sugatan naman ay si Marvin Yanos, na minamaneho ang isang Honda TMX125.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patrolman Racky Kenneth Diga ng San Mateo Police Station, sinabi nito na batay sa paunang imbestigasyon, kapwa patungo sa Barangay San Roque ang dalawang motorsiklo kung saan nasa unahan ang Honda ADV160. Pagsapit sa pinangyarihan ng aksidente, bahagyang umano itong lumihis pakaliwa dahilan upang mabangga ng kasunod na Honda TMX125.
Agad na rumesponde ang rescue team at isinugod sa San Mateo Integrated Community Hospital ang dalawang rider.
Gayunman, dahil sa tindi ng tinamong pinsala, inilipat si Isaet sa Cauayan Specialist Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival dakong alas-12:00 ng tanghali.
Samantala, inilipat naman sa Southern Isabela Medical Center si Yanos para sa mas masusing pagsusuri at patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at kaliwang binti ang nasawing rider habang sugat sa ulo ang tinamo ng isa pang biktima na nagdulot ng pagdurugo sa ilong.
Lumalabas din sa imbestigasyon na kapwa hindi nakasuot ng helmet ang dalawang rider nang mangyari ang aksidente.
Nilinaw naman ng pulisya na maayos at sementado ang kalsada sa lugar at walang indikasyon na nakainom ng alak ang mga sangkot matapos magnegatibo ang mga ito sa isinagawang alcohol breath test.
Dahil dito, muling nanawagan ang San Mateo Police Station sa mga motorista na ugaliing magsuot ng helmet at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang kaparehong insidente.











