Nagsimula nang ipatupad ng Barangay Rosario, Santiago City ang ordinansa laban sa ilegal na pagpaparada sa mga ‘no parking’ area, partikular sa paligid ng Southern Isabela Medical Center, sa pamamagitan ng clamping at towing sa mga lumalabag na sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Judy Balberan, sinabi nito na binibigyan muna ng lima hanggang sampung minutong palugit ang mga motorista na pansamantalang nakaparada sa bawal na lugar bago isagawa ang clamping.
Nagkakaroon din ng paunang anunsyo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga may-ari na mailipat ang kanilang sasakyan.
Ayon sa barangay, may multang tatlong daang piso para sa mga motorsiklo at tricycle, habang limandaang piso naman para sa mga four-wheeled vehicles.
Gayunman, kapag unang beses na lumabag, maaari pang makiusap ang motorista at mabigyan ng konsiderasyon, ayon sa Punong Barangay.
Batay sa tala ng barangay, karamihan sa mga nahuhuli ay mga motorsiklo at tricycle, at umaabot na sa mahigit isandaang sasakyan ang nasita mula nang ipatupad ang naturang regulasyon.
Layunin ng barangay na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at maiwasan ang pagsisikip ng kalsada, lalo na sa paligid ng SIMC kung saan mahalaga ang mabilis na pagdaan ng mga sasakyan.
Sa kabila nito, aminado ang Punong Barangay na may ilang motorista pa rin ang hindi pamilyar sa ordinansa, lalo na ang mga mula sa ibang lugar, kaya patuloy ang kanilang paalala at anunsyo bago ipatupad ang clamping.
Dagdag pa nito, may pagkakataon ding nagbibigay ng diskwento sa multa, lalo na sa mga unang beses na lumalabag at nakikiusap.
Samantala, patuloy namang hinihikayat ng barangay ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na batas trapiko upang maiwasan ang abala at kaparusahan.











