Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang polisiya nitong “one message, many voices” sa paglalabas ng impormasyon kaugnay ng mga insidente sa West Philippine Sea, ayon kay Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard. Nilinaw niyang walang direktiba na hinaan ang tono ng mga pahayag kahit may pangamba na makaapekto ito sa diplomatic space.
Sa ikalawang anibersaryo ng PCG–West Philippine Sea Transparency Group, iginiit ni Tarriela na dapat ipagpatuloy ang transparency dahil mataas na ang kamalayan ng publiko sa mga isyung pandagat sa nakalipas na tatlong taon. Aniya, iisa ang mensahe ng mga ahensya ngunit nagkakaiba ang paraan ng paghahatid batay sa kani-kanilang mandato, gaya ng PCG, Armed Forces of the Philippines, at Department of Foreign Affairs.
Samantala, sinabi ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año na ang ganitong approach ay sumasalamin sa magkakaibang antas ng responsibilidad; tactical, operational, at strategic sa loob ng gobyerno. Dagdag niya, nakatutulong ang transparency upang makakuha ng suporta mula sa international community at mapigilan ang umano’y pambu-bully ng China.
Nagbabala si Tarriela na maaaring magkaroon ng matinding public backlash kapag itinigil ang transparency, lalo’t ipinapakita ng mga survey na 94% ng mga Pilipino ang sumusuporta rito.
Binigyang-diin naman ni Año na dapat ma-institutionalize ang transparency initiative upang matiyak ang pangmatagalang proteksyon sa soberanya at sovereign rights ng bansa, anuman ang maging pagbabago sa liderato. Suportado rin aniya ng administrasyon ang mga panukalang batas tulad ng Anti-Espionage Law at Foreign Interference and Malign Influence Act para sa mas matibay na pambansang seguridad.
Naniniwala rin si Tarriela na kung magpapatuloy ang transparency hanggang 2028, posibleng maging mahalagang isyu sa halalan ang West Philippine Sea, kung saan hahanapin ng mga botante ang mga kandidatong handang ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa nasabing teritoryo.










