Patuloy na tinututukan ng mga kapulisan sa San Manuel, Isabela ang pagpapababa sa mga road crash incidents na naitatala sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, Chief of Police ng San Manuel Police Station, sinabi niya na aksidente sa lansangan ang insidente na madalas maitala sa bayan ng San Manuel.
Kadalasan aniyang nasasangkot dito ay ang mga motorsiklo na minsan ay minamaneho ng mga estudyante at mga menor de edad. Ang iba naman walang suot na mga safety gear gaya na lamang ng helmet.
Aniya, pinatatawag nila ang magulang ng mga ito upang mapagsabihan na huwag hayaan ang kanilang mga menor de edad na anak na magmaneho lalo’t wala pa silang kaukulang lisensya.
Gayunpaman, nagpapatuloy umano ang kanilang information dissemination at pagbabantay sa mga pangunahing kalsada upang matiyak na nakasusunod ang mga motorista sa mga traffic rules and regulations.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon ng San Manuel Police Station ng Ligtas SumVac kung saan mas lalong pinaigting ng kanilang hanay ang police visibility sa mga madalas puntahan ng publiko ngayong summer gaya na lamang sa mga resorts upang mapanatili ang zero drowning incident ngayong summer season.
Maliban dito ay patuloy din ang monitoring ng PNP sa mahigit 20 indibdwal na kabilang sa drug watchlist ng kanilang himpilan at sa ngayon ay 100% nang na adjudicate ang mga ito kaya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa LGU, PDEA at Barangay upang maideklara nang drug cleared municipality ang bayan ng San Manuel.











