Binigyang-diin ng Alkalde ng Santiago City na bagamat mas simple ang selebrasyon ng Balamban Dance Festival ngayong taon, nakatuon naman ito sa mas makabuluhang layunin na direktang makikinabang ang iba’t ibang sektor sa Lungsod.
Sa naging pahayag ni Santiago City Mayor Sheena Tan, hinimol niya ang publiko na makiisa sa pagdiriwang sa kabila ng mas payak na programa kumpara sa mga nagdaang taon. Ayon sa kanya, layunin ng lokal na pamahalaan na gawing mas inklusibo at kapaki-pakinabang ang selebrasyon, lalo na para sa sektor ng transportasyon, manggagawa, agrikultura, at mga negosyante.
Binigyang-halaga rin niya ang papel ng mga magsasaka na patuloy na nagsusumikap upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain, partikular ang bigas na mahalaga sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayan.
Idinagdag pa ng alkalde na bagamat mas simple ang pagdiriwang, sisikapin ng pamahalaang lungsod na gawin itong mas makabuluhan sa pamamagitan ng mga programang may direktang benepisyo sa komunidad, tulad ng pamamahagi ng bigas sa bawat pamilya.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan na sa ganitong paraan, mas mapapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang sektor at maisusulong ang inklusibong pag-unlad sa Lunsod ng Santiago.











