--Ads--

Nakahanda na ang ilang paaralan sa lungsod sakaling tumaas pa ang nararanasang heat index, lalo na sa panahon ng tag-init na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga estudyante at kawani ng paaralan. ‎

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nemrod Dulay, Assistant Director General ng Cauayan City Stand Alone Senior High (CCSASH) Foundation, kasama si Marjory Gadiano, school nurse, pinaghahandaan na ng kanilang pamunuan ang posibleng pagtaas ng init ng panahon sa lungsod. ‎ ‎Isa sa mga pangunahing hakbang na kanilang isinagawa ay ang pagsasagawa ng medical mission para sa mga faculty, staff, at mga estudyante.

Layunin nitong matiyak ang kalusugan ng komunidad ng paaralan lalo na sa panahon na mataas ang heat index na maaaring magdulot ng dehydration, pagkahilo, at iba pang heat-related na karamdaman. ‎

‎Bukod dito, naglagay na rin ng mga water dispenser sa lahat ng classroom upang masiguro na may madaling mapagkukunan ng tubig ang mga mag-aaral. May ilang silid-aralan din na fully air-conditioned na upang mabawasan ang epekto ng mainit na panahon sa pag-aaral ng mga bata. ‎ ‎

--Ads--

Para naman sa mga classroom na hindi pa nabibigyan ng aircon, tiniyak ng pamunuan na kumpleto ang mga ceiling fan at stand fan upang maayos pa rin ang sirkulasyon ng hangin sa loob ng silid-aralan. ‎ ‎

Samantala, handa na rin ang clinic ng paaralan para sa anumang emergency. Ayon sa pamunuan, kumpleto ang kanilang mga gamot at mayroon ding nakahandang oxygen sakaling may magkasakit o makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa init ng panahon. ‎ ‎

Patuloy ang paalala ng paaralan sa mga estudyante na uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw, at agad na lumapit sa school clinic kapag nakaramdam ng anumang sintomas ng karamdaman. ‎ ‎

Sa gitna ng nararanasang init ng panahon, mas pinaigting pa ng paaralan ang paghahanda upang mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga mag-aaral at kawani.