Pansamantalang isasara sa mga sasakyan ang ilang kalsada sa Cauayan City, Isabela ngayong Oktubre 16, bilang paghahanda at bahagi ng pagdaraos ng Pasasalamat Concert para sa pagdiriwang ng Nuestra Señora del Pilar Patronal Fiesta 2026.
Ayon sa public advisory ng lokal na pamahalaan ng Cauayan, ipatutupad ang road closure mula alas-4 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga dadalo sa aktibidad.
Kabilang sa mga kalsadang isasara ang Baligod Street; kalsadang nasa harap ng coliseum patungong City Hall; M. Bucag Street mula sa kanto ng Rizal Avenue at F.L. Dy Street; F.L. Dy Street corner Canciller Avenue; kalsadang nasa harap ng RAPSA/Rakki Restaurant; at Pamittan Street.
Para sa mga biyaheng patungong kanluran o Tabacal, maaaring dumaan ang mga motorista mula sa Canciller Avenue corner Dalupang Street, patungong Mabini Street at Pillar Street.
Samantala, ang mga biyaheng patungong hilaga o Ilagan ay maaaring gumamit ng Canciller Avenue patungong Dalupang Street bilang alternatibong ruta.
Pinapayuhan ang mga motorista at commuter na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, sundin ang mga tagubilin ng mga traffic enforcer, at maglaan ng karagdagang oras sa paglalakbay upang maiwasan ang pagkaantala.
Magkakaroon din ng mga traffic enforcer sa mga apektadong lugar upang gabayan ang mga motorista at mapanatili ang kaayusan sa daloy ng trapiko habang isinasagawa ang aktibidad.











