--Ads--

Magsasagawa ng teknikal na pagsusuri ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng panukalang dredging sa Cagayan River upang matukoy ang mga bahaging kailangang hukayin at ang angkop na lalim ng operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Lawrence Bryan Domingo ng DPWH Bureau of Equipment, sinabi niyang mahalaga ang pagsusuri upang matiyak na naaayon ang panukalang proyekto sa aktuwal na kondisyon ng ilog at sa mga teknikal na pamantayan.

Ipinaliwanag ni Engr. Domingo na ang dredging ay proseso ng pagtanggal ng naipong putik, buhangin at iba pang sediment sa ilalim ng ilog upang mapanatili o maibalik ang kapasidad nitong magdaloy ng tubig.

Inaasahang makatutulong ang panukalang proyekto sa pagbabawas ng panganib ng pagbaha sa Cauayan City sa pamamagitan ng pagpapabuti ng daloy ng tubig sa Cagayan River.

--Ads--

Gayunman, nakadepende pa rin ang magiging epekto nito sa resulta ng teknikal na pagsusuri, kondisyon ng ilog, lakas ng agos at dami ng tubig na nagmumula sa mga karatig na lugar.

Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang eksaktong mga bahaging sasaklawin at ang iskedyul ng planong dredging.