--Ads--

Ipinag-utos ng Alkalde ng Cauayan City na si Mayor Caesar ‘Jaycee’ Dy Jr. na palitan na ng contractor ang inirereklamong kalsada sa Purok 1, Minante 2, Cauayan City matapos itong ireklamo ng ilang mga opisyal ng barangay dahil sa agaran umanong pagkasira ng kalsada.

Matatandaan na dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang mga opisyal ng barangay upang maiparating sa mga contractor at kinauukulan ang sitwasyon ng farm-to-market road na nakitaan na ng bitak o lubak kahit wala pang isang taon nang matapos ang konstruksyon nito.

Sa pagpapahayag naman ni Mayor Dy, nakipag-ugnayan na siya sa contractor para sa agarang pag-aayos ng kalsada dahil matatandaan na maging ang kalsada sa Ipil St. District 1, Cauayan ay pinabakbak at pinaulit niya sa contractor kahit bagong gawa pa lamang ito.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalagang panagutan ng mga contractor ang kalidad ng kanilang mga proyekto, lalo na’t limitado ang pondo ng lokal na pamahalaan para sa sunod-sunod na road concreting projects.

--Ads--

Nanawagan din si Mayor Dy sa mga residente ng lungsod na agad ipagbigay-alam sa pamahalaang lungsod ang anumang mapansing depekto sa mga bagong gawang imprastraktura upang ito ay maagapan at maaksiyunan.

Samantala, hindi naman binanggit ng Alkalde kung sino ang contractor ng proyekto at wala pang binabanggit na araw o buwan kung kailan posibleng simulan ang pag-aayos nito.