Posibleng muling ipatupad sa Cauayan City ang No Contact Apprehension Policy o NCAP matapos ma-lift ang Temporary Restraining Order o TRO laban sa implementasyon nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nitong kasalukuyang inaayos ang mga detalye para sa muling pagpapatupad ng NCAP sa Isabela at Cauayan City.
Isasailalim sa ikalawang pagdinig ang panukala sa Oktubre 6, 2026 upang talakayin ang mga karagdagang probisyon at teknikal na detalye bago ito tuluyang ipatupad.
Binigyang-diin ni SP Member Delmendo na layunin ng NCAP na masubaybayan ang mga kalsada at matukoy ang mga traffic violator sa loob ng 24 oras gamit ang mga CCTV camera.
Sa ganitong sistema, hindi na kailangang pisikal na magbantay sa kalsada ang mga tauhan ng Public Order and Safety Division o POSD para sa paghuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Magkakaroon umano ng tatlong araw na palugit bago ipadala ang notice of violation sa mga traffic violator, habang magkakaroon din ng koordinasyon ang POSD at Land Transportation Office o LTO para sa mabilis na beripikasyon ng rehistro at plate number ng mga sasakyan.
Ayon pa kay SP Delmendo, high-quality ang mga gagamiting CCTV camera na inaasahang makakakuha ng malinaw na larawan ng sasakyan at driver, kabilang ang mga sasakyang may tinted na salamin.
Patuloy namang pag-aaralan at tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ang buong panukala bago ang pormal na muling pagpapatupad ng NCAP sa Cauayan City.










