Maghahanda ang Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ng mas malinaw na safety guidelines para sa mga malalaking aktibidad sa lungsod kasunod ng insidenteng naganap sa Color Bubble Fun Run, kung saan dalawang batang lumahok sa naturang aktibidad ang nasawi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nitong nagpatawag ang lokal na pamahalaan ng meeting kasama ang mga kinatawan ng barangay, paaralan, organizers, event supplier, Sangguniang Panlungsod at Incident Management Team upang talakayin ang insidente at mga hakbang upang hindi na ito maulit.
Ayon kay SP Member Delmendo, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at kailangan munang matukoy ang mga naging pagkukulang at pananagutan ng mga organizer at iba pang sangkot bago makapagbigay ng pinal na konklusyon.
Ibinahagi rin ng opisyal na ayon sa pamilya ng mga nasawing bata, wala umanong nakitang rescue personnel sa lugar nang mangyari ang insidente.
Samantala, sinabi niyang nakipag-ugnayan na rin ang organizers at event supplier sa mga naulilang pamilya.
Kabilang sa mga tatalakaying requirement para sa mga susunod na pagsasagawa ng event ang pagkakaroon ng permit, safety plan, risk assessment, venue layout, at sapat na deployment ng police, safety personnel at Incident Management Team.
Iginiit ni SP Member Delmendo na hindi layunin ng lokal na pamahalaan na ipagbawal ang mga event sa lungsod, kundi tiyaking may sapat na safety measures upang maprotektahan ang mga participant, lalo na ang mga bata.
Maaari ring ipahinto ang isang aktibidad kung isasagawa ito nang walang kinakailangang permit o safety requirements.










