Nakipagpalitan ng kaalaman, impormasyon at teknolohiya ang Cauayan City, Isabela sa bansang Thailand bilang bahagi ng pagsusulong ng mga makabagong paraan upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa facebook live ni Cauayan City Mayor Caesar Jaycee” Dy Jr., sinabi niyang naging katuwang ng lungsod ang Thailand dahil sa pagsusulong nito ng innovations at technologies na maaaring iangkop sa mga programa at serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga isinusulong ng lungsod ang pagbuo ng isang bagong application na magsisilbing daan para mas mabilis na maiparating ng mga residente sa LGU ang kanilang mga reklamo, problema at iba pang pangangailangan sa komunidad.
Sa pamamagitan ng application, maaari ring ma-update ang mga residente kung ano na ang ginagawang aksyon ng lokal na pamahalaan, kailan ito isasagawa at kung ano na ang naging progreso sa kanilang iniulat na concern.
Layunin ng programa na gawing mas people-centered ang paghahatid ng serbisyo ng LGU, kung saan aktibong makikibahagi ang mga residente sa pagtukoy sa mga problemang maaaring hindi agad napapansin ng lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Mayor Dy na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga residente at ng LGU upang mas mabilis na matukoy at maresolba ang mga problema sa komunidad, gamit ang teknolohiya bilang paraan ng koordinasyon at pagbibigay ng transparency sa mga serbisyo ng pamahalaang lungsod.










