--Ads--

Nagpatawag ngayong araw ng emergency meeting si Provincial Governor Rodito T. Albano kasama ang mga alkalde at Municipal Agriculture Officers (MAOs) upang talakayin ang banta ng matagal na tagtuyot sa industriya ng mais sa lalawigan at ang agarang tulong para sa mga apektadong magsasaka.

Ayon kay Provincial Agriculturist Sergio Galamgam, batay sa pinakahuling datos para sa 2025–2026 dry crop season, umaabot na sa 121,259 ektarya ang naitanim na mais sa buong lalawigan. Sa bilang na ito, 28,979 ektarya ang nasa vegetative stage, 43,723 ektarya ang nasa reproductive stage, at 46,941 ektarya ang malapit nang anihin. Tanging 1,614 ektarya pa lamang ang naaani hanggang Marso 3, 2026.

Nagbabala si Galamgam na kung magpapatuloy ang kawalan ng ulan sa loob ng dalawang linggo, maaari itong magdulot ng malawakang pinsala sa pananim. Tinatayang hanggang 50 porsyento ng mais na nasa vegetative stage at 80 porsyento ng nasa reproductive stage ang maaaring masira, na makaaapekto sa halos 49,468 ektarya ng nakatayong pananim at tinatayang 49,000 magsasaka sa buong lalawigan.

Kinumpirma naman ng mga alkalde mula sa Santo Tomas, San Guillermo, Tumauini, Echague, at Angadanan na nakararanas na ang kanilang mga bayan ng hindi bababa sa dalawang linggong walang ulan, dahilan upang ma-stress ang mga pananim.

--Ads--

Sa naturang pagpupulong, humingi ng rekomendasyon si Gov. Albano sa mga lokal na opisyal hinggil sa agarang hakbang na maaaring ipatupad. Kabilang sa mga mungkahi ang cloud seeding operations, pamamahagi ng certified seeds, abono at iba pang farm inputs, gayundin ang posibleng ayuda pinansyal upang matulungan ang mga magsasaka na makabangon at makapaghanda sa susunod na taniman.

Inaasahang magsasagawa ng masusing damage assessment ang pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga MAOs sa mga susunod na araw habang patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng mga pananim at naghahanda ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mas malawak na pagkalugi sa sektor ng agrikultura.