Tinatayang higit 5,000 opisyal mula sa political family ang posibleng mawalan ng puwesto kung maipapasa ang panukalang Anti-Political Dynasty bill sa Kamara, ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong.
Batay sa paunang pagsusuri ng Socioeconomic Research Bureau (SERB) ng House of Representatives gamit ang datos mula sa Commission on Elections, nasa 9,852 sa 17,983 lokal na posisyon (54.8%) ang hawak ng mga posibleng miyembro ng political dynasties mula sa humigit-kumulang 4,239 pamilya.
Ipinaliwanag ni Adiong na ang bersyon ng panukala sa Kamara ay nagbabawal sa sabay-sabay na pagtakbo o panunungkulan ng mga magkakamag-anak hanggang ikalawang antas ng relasyon.
Sa ilalim ng batas, inaasahang mahigit 5,000 na elective positions ang magiging bakante, na magbibigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga bagong lider.









