Nilinaw ng Department of Education o DepEd na P89.9 milyon, at hindi P89.9 bilyon, ang inilaan nitong pondo ngayong taon para sa Child Protection Program.
Ito ang paglilinaw ng DepEd matapos sabihin ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na umabot sa P89.9 bilyon ang pondo ng ahensya para sa naturang programa sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act o GAA.
Ayon sa DepEd, nakalaan ang pondo sa iba’t ibang preventive initiatives gaya ng policy development, pagbuo ng session guides at pagpapatupad ng mga training program.
Layunin ng mga hakbang na mapalakas ang proteksyon sa karapatan ng mga mag-aaral at mabigyan ang mga personnel ng sapat na kaalaman at kakayahan upang matugunan ang mga concern ng learners alinsunod sa itinakdang protocols at guidelines.
Nauna rito, binanggit ni Adiong sa isang press conference ang mga pondong inilaan sa DepEd sa ilalim ng 2026 GAA, kabilang ang budget para sa Child Protection Program, kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sinabi ng kongresista na bukod sa P2.37 bilyong pondo, mayroon umanong P89.92 bilyon na inilaan para sa Child Protection Program na nakatuon sa pagprotekta sa mga mag-aaral laban sa pang-aabuso.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na P89.9 milyon lamang ang aktuwal na budget ng Child Protection Program ngayong taon.











