Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukalang Anti-Political Dynasty Act, na naglalayong ipagbawal ang sabay o sunod-sunod na paghawak ng kapangyarihan ng magkakamag-anak sa iisang lugar.
Sa ilalim ng House Bill No. 8389, hindi maaaring tumakbo o manungkulan sa parehong lokalidad ang mag-asawa o mga kamag-anak hanggang ikalawang antas ng dugo o relasyon.
Saklaw nito ang mga posisyon sa barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan, at distrito sa Kamara.
Pinangunahan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang panukala, na sinuportahan din ng mahigit 170 mambabatas.
Ayon sa mga may-akda, layunin ng panukala na palakasin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at bigyan ng pantay na pagkakataon ang iba na makapasok sa serbisyo publiko.
Kapag naisabatas, obligado ring magsumite ang mga kandidato sa Comelec ng sinumpaang salaysay na nagpapatunay na hindi sila lalabag sa ipinagbabawal na political dynasty.
Ang batas ay ipatutupad sa susunod na halalan kapag ganap na itong naaprubahan.











