Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Biyernes na nananatiling ‘unchanged’ o hindi nagbabago ang military support ng Estados Unidos sa Pilipinas sa kabila ng ulat na muling ipinuwesto sa Middle East ang ilang missile system ng US mula sa South Korea.
Ayon kay AFP spokesperson para sa West Philippine Sea na si Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, wala silang nakikitang indikasyon na babawiin ng Washington ang mga military asset nito na kasalukuyang naka-deploy sa Pilipinas.
May umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) ang Pilipinas at Estados Unidos na nagbibigay ng access sa mga tropang Amerikano sa piling pasilidad ng AFP.
Kabilang sa mga military asset ng US sa bansa ang Typhon (Mid-Range Capability) missile system na naka-deploy mula pa noong 2024, at ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) na dumating noong nakaraang taon.
Ginamit ang mga nasabing defense system sa iba’t ibang military exercises, kabilang ang taunang Balikatan exercises ng dalawang bansa.
Lumutang naman ang mga tanong higgil sa redeployment ng missile systems kung maaari ring mangyari ang katulad na hakbang sa iba pang bahagi ng Asia.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na ang sitwasyon sa South Korea ay may kinalaman sa partikular na air defense systems na inililipat sa Middle East at hindi ito direktang nauugnay sa deployment sa Pilipinas.
Binigyang-diin din niya na patuloy pang lumalawak ang kooperasyong militar ng Pilipinas at Estados Unidos.
Binanggit din ng opisyal ang pag-apruba ng US Congress noong Disyembre 2025 sa Philippine Enhanced Resilience Act, na nagbibigay ng $2.5 bilyong security assistance sa Pilipinas sa loob ng susunod na limang taon.
Iginiit din ni Trinidad na ang mga lugar na sakop ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay nananatiling mga base militar ng Pilipinas kahit may access dito ang mga tropang Amerikano.
Ang Pilipinas at Estados Unidos ay nakatali rin sa Mutual Defense Treaty (MDT) na nilagdaan noong 1951, na nag-aatas sa dalawang bansa na magtulungan sa depensa sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa kanilang nasasakupan.










