--Ads--

Inamin ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na naapektuhan ng matinding pagtaas ng presyo ng langis ang operasyon ng ahensya, ngunit tiniyak nitong mananatiling prayoridad ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea  Rear Admiral Jay Tarriela, hindi maikakaila na may epekto ang oil price hike sa kabuuang operasyon ng Coast Guard.

“I’d be lying kung sasabihin ko na hindi ito apektado sa kabuuang Coast Guard operation,” ani Tarriela.

Gayunman, sinabi niyang ipinahayag ng PCG Commandant ang matibay na pangako na ipagpapatuloy ang mga patrol mission sa kabila ng mga hakbang upang makatipid sa konsumo ng fuel.

--Ads--

Dagdag pa niya, titiyakin ng ahensya na patuloy na may mga barkong nagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Samantala, nakatakda ring samahan ng PCG sa Abril ang pinakabagong “Atin Ito” civilian flotilla na naglalayong igiit ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na inaangkin din ng China sa kabila ng paborableng desisyon ng international arbitral tribunal para sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Tarriela na mahalaga ang presensya ng PCG upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyang kalahok sakaling harangin sila ng Chinese Coast Guard o ng Chinese maritime militia.

“This is a civilian convoy so we have to make sure that if they will be harassed by the Chinese Coast Guard or the Chinese maritime militia, at least the PCG can protect them and ensure their safety,” aniya.

Sinabi rin niya na sa mga nakaraang convoy ng grupo, nahirapan umano ang mga Chinese vessel na pigilan ang mga Pilipinong makapunta sa mga maritime feature na kanilang tinutungo.

Ayon kay Tarriela, ipinapakita nito ang tumataas na kamalayan at suporta ng mga Pilipino sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at sa pambansang pamahalaan sa usapin ng West Philippine Sea.