--Ads--

Umaaray ngayon ang mga jeepney operators sa Lungsod ng Santiago dahil halos matapyas na ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel ang kanilang kinikita sa araw-araw na pamamasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa jeepney operator na si Salvador Bitong, sinabi nito na mas malaki na ngayon ang napupunta sa kanilang gastos sa diesel kumpara sa kanilang naiuuwing kita mula sa pamamasada.

Ayon kay Bitong, kamakailan ay umabot lamang sa ₱600 ang kanyang naiuwing kita matapos gumastos ng ₱1,200 para sa pambili ng diesel ng kanyang jeepney.

Dagdag pa nito na malaki ang kaibahan nito kumpara noon kung saan nasa humigit-kumulang ₱650 lamang ang kanilang nagagastos sa diesel kaya mas malaki ang natitirang kita sa pamamasada.

--Ads--

Sinabi rin ng operator na karamihan sa kanilang mga pasahero ay mga estudyante kaya hindi rin nila basta-basta maitataas ang pamasahe.

Dahil dito, umaapela ang mga jeepney operators na sana ay mabigyan sila ng ayuda na maaaring maidagdag sa kanilang pambili ng diesel upang kahit papaano ay may matira pa silang kita na maipantutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya at sa pag-aaral ng kanilang mga anak.