Nasawi ang isang 18-anyos na graduating student matapos itong malunod sa Cagayan River na sakop ng barangay Carabatan Chica, sa lungsod ng Cauayan habang nagsasagawa umano ng video project kasama ang dalawang kaibigan, kahapon, Marso 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bonifacio Ambatali, ang residenteng unang rumesponde at tumulong sa pag-rescue sa biktima, sinabi nito na may batang lumapit sa kanya at humingi ng tulong habang siya ay nagtitinda malapit sa ilog.
Aniya, agad niyang tinanggal ang kanyang damit at pantalon at sumisid sa ilog upang hanapin ang biktima, subalit sa una ay hindi niya ito makita dahil sa lalim ng tubig.
Habang isinasagawa ang paghahanap ay dumating na rin ang mga barangay officials at rescue personnel matapos umanong ipagbigay-alam ng kapitan ng barangay ang insidente.
Dagdag pa ni Ambatali, matapos ang ilang ulit na pagsisid ay nakita niya ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog kung saan agad niya itong hinango palabas ng tubig.
Gayunman, sinabi nito na wala na umanong malay ang biktima nang kanilang matagpuan.
Agad naman itong isinugod sa ospital ng mga rumespondeng rescuers upang mabigyan ng agarang atensyong medikal.
Batay sa impormasyon na ibinahagi sa kanya ng mga kasama ng biktima, tatlong magkakaibigan umano ang nagtungo sa lugar upang magsagawa ng video recording para sa kanilang school project.
Ang nasawing estudyante ay sinasabing residente ng Barangay Duminit, habang ang isa sa kanyang mga kasama ay mula naman sa Barangay Alicaocao.
Ayon kay Ambatali, sa bahagi ng ilog kung saan naganap ang insidente ay may mga bahagi na mababaw ngunit mayroon ding biglaang lalim, lalo na sa may ilalim ng tulay kung saan nakita ang biktima.
Samantala, agad ding nakipag-ugnayan ang mga barangay officials sa pamilya ng biktima upang ipaalam ang nangyari.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na maging maingat sa pagtungo sa mga ilog at iba pang anyong tubig upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.










