Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng taas-pasahe sa mga pampublikong transportasyon, partikular sa mga jeep at bus, kasunod ng sunod-sunod na big-time oil price hike.
Ayon sa LTFRB, tiyak na ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe, ngunit sumasailalim pa ito sa pagsusuri at pag-aapruba ng Department of Transportation (DOTr) upang matukoy kung magkano ang eksaktong itataas sa pamasahe.
Sinabi rin ng ahensya na saklaw ng fare hike ang lahat ng naghain ng petisyon para rito. Gayunman, hindi muna isasama sa anunsyo ang mga taxi at UV Express dahil kamakailan lamang sila nagsumite ng kanilang petisyon.
Paliwanag ng LTFRB, kinakailangan pa itong dumaan sa mga pagdinig at nationwide consultation program bago tuluyang maaprubahan.
Samantala, inaasahang iaanunsyo sa Martes, Marso 17, kung magkano ang magiging dagdag sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.











