Inamin ng Land Transportation Office (LTO) sa Santiago City na isa sa mga nagiging hadlang sa paghuli ng mga traffic violators ang pagte-text o pagbibigay ng babala sa iba pang motorista tungkol sa lokasyon ng mga naka-deploy na law enforcers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago, sinabi nito na bahagi ng kanilang deployment strategy ang pagpapakalat ng mga enforcer sa iba’t ibang lugar kung saan may posibleng mahuling lumalabag sa batas-trapiko.
Ayon kay Buendia, hindi rin nagtatagal sa iisang lugar ang kanilang mga law enforcer dahil may mga motorista umanong agad na nagbababala sa iba sa pamamagitan ng text o mensahe kapag may nakapuwestong enforcer sa isang lugar.
Dahil dito, mabilis umanong nakakaalis ang ilang motorista na posibleng lumalabag sa batas-trapiko kaya nababawasan ang pagkakataon ng mga awtoridad na makahuli ng mga violator.
Dagdag pa niya, nakatutulong din ang paggamit ng intelligence information upang matukoy ang mga lugar kung saan madalas na nahuhuli ang mga lumalabag sa batas-trapiko sa lungsod.











