Patuloy na kukumpiskahin ng Public Order and Safety Division o POSd ang lisensya ng mga mahuhuling traffic violators sa Lunsod ng Cauayan.
Ito ay sa kabila ng direktiba ng Land Transportation Office o LTO hinggil sa pagbabawal sa confiscation ng driver’s license sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, nilinaw nitong magpapatuloy ang pagpapatupad ng umiiral na ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City kaugnay sa mga paglabag sa batas-trapiko.
Ayon kay Malindindy, hangga’t walang binabasag o binabagong lokal na ordinansa ang pamahalaang lungsod, mananatiling ipatutupad ang kasalukuyang local traffic code, kabilang ang confiscation ng lisensya ng mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang mga lokal na pamahalaan ay may umiiral na mga ordinansa para sa pagpapatupad ng traffic regulations sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Samantala, muling nagpaalala ang pamunuan ng POSD sa mga motorista at biyaherong dumadaan sa Lungsod ng Cauayan na palaging sumunod sa mga alituntunin sa kalsada upang makaiwas sa paglabag, abala at aksidente.










