Naghain na ng tugon si Vice President Sara Duterte ng kanyang tugon sa dalawang kasong impeachment laban sa kanya bago ang itinakdang deadline ng House of Representatives. Gayunman, nilinaw niyang ginawa niya ito “ad cautelam” o may pag-iingat, na tila nagpapahiwatig na hindi niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng Kamara.
Sa kanyang 15-pahinang consolidated verified answer, tinutulan ni Duterte ang mga reklamong inihain nina Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera, na nag-akusa sa kanya ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng depensa, kulang umano sa “ultimate facts” ang mga reklamo at nakabatay lamang sa haka-haka at konklusyon.
Ngunit giit ni Rep. Terry Ridon, hindi direktang sinagot ng Bise Presidente ang mga alegasyon. Sa halip, kinuwestiyon umano nito ang proseso ng impeachment.
Samantala, sinabi ng National Unity Party (NUP) na susuporta lamang sila sa impeachment kung may malinaw, tiyak, at corroborated na ebidensya, kabilang ang testimonya ng whistleblower na si Ramil Madriaga.
Binibigyang-diin ng NUP na ang impeachment ay hindi basta akusasyon, kundi isang constitutional case na dapat matibay sa harap ng buong paglilitis.











