--Ads--

Nanawagan ang pinakamataas na diplomat ng Vatican na si Italian Cardinal Pietro Parolin kay US President Donald Trump na agad nang wakasan ang lumalawak na digmaan sa Iran at hinikayat din ang Israel na itigil ang mga pag-atake nito laban sa Lebanon.

Sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Italian parliament nitong Miyerkules, diretsahang sinabi ni Parolin ang panawagan: “I would say to finish it as soon as possible… and to leave alone Lebanon,” ani Parolin, na nagsabing ang mensahe ay para rin sa Israel.

Si Parolin, na nagsisilbing Secretary of State ng Vatican mula pa noong 2013, ay kilala sa maingat at tahimik na paraan ng pakikipagdiplomasya, kaya’t kapansin-pansin ang kanyang direktang pahayag sa isyung ito.

Samantala, pinalalakas din ni Pope Leo ang kanyang panawagan para sa agarang pagtatapos ng digmaan sa Iran. Noong Lunes, hinikayat niya ang mga mamamahayag na ituon ang pansin sa pagdurusa dulot ng digmaan.

--Ads--

Nagpahayag din ng pag-aalala si Parolin na posibleng lalo pang lumala ang sigalot. Dahil dito, nanawagan siya kay Trump at sa iba pang lider ng mundo na resolbahin ang mga suliranin sa pamamagitan ng mapayapang paraan, gaya ng diplomasya at diyalogo.