--Ads--

Nasawi ang isang 21-anyos na binata sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Mambabanga, Luna, Isabela, noong gabi ng Marso 17.

Kinilala ang biktima na si Rodel Apelado, residente ng Barangay San Fermin, Cauayan City, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ.  Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-7:00 ng gabi at kinasasangkutan ng isang motorsiklo, isang Elf Truck na may kargang palay, at isang Toyota Vios.

Kinilala rin ang mga iba pang sangkot: si Julius Uy, 54-anyos, residente ng Barangay Bustamante, Luna, Isabela, na nagmamaneho ng Toyota Vios, at si Hernan Guillermo, residente rin ng nasabing lugar, na nagmamaneho ng Elf Truck.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng motorsiklo at ng Elf Truck ang kalsada patungong Cauayan City, habang ang Toyota Vios ay patungo sa bayan ng Cabatuan. Sinubukang mag-overtake ng motorsiklo ang Elf Truck, ngunit sa gitna ng maniobra, nakasalubong nito ang paparating na Toyota Vios. Nagresulta ito sa malakas na banggaan ng dalawang sasakyan.

Ayon kay PMAJ Ramos, bago ang insidente ay nagmula pa umano sa inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang kantina sa Barangay Mambabanga. Matapos ang inuman, agad siyang umalis at nagmaneho mag-isa ng motorsiklo.

Dahil sa matinding pinsalang tinamo, isinugod ang biktima sa ospital, ngunit kalaunan ay binawian din siya ng buhay noong umaga ng sumunod na araw.

Dagdag pa ng pulisya, maayos at maliwanag ang kalsada sa lugar ng aksidente at wala ring gaanong sasakyan, kaya’t isa sa mga tinitingnang sanhi ng insidente ay ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak at ang delikadong pag-overtake.

Ligtas naman ang mga sakay ng Elf Truck at Toyota Vios, at walang naitalang iba pang malubhang nasugatan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, habang inaasahang makikipag-ugnayan ang mga sangkot sa pamilya ng biktima sa mga susunod na araw.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na iwasan ang pagmamaneho kapag nakainom at pairalin ang ibayong pag-iingat sa kalsada upang maiwasan ang kaparehong trahedya.