Nagbanggaan ang isang dump truck at wing van truck sa kahabaan ng pambansang lansangang nasasakupan ng Dadap, Luna, Isabela kaninang alas-9:00 ng umaga.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa tsuper ng wing van truck hindi niya napansin na papaliko na ang sinusundang dump truck na papasok sa isang gasoline station kaya nabangga ng minamaneho niyang sasakyan ang likurang bahagi nito.
Hindi rin siya agad nakatigil dahil namatay na ang makina ng sasakyan at hindi na rin gumagana ang preno nito kaya nagtuluy-tuloy ito ng ilang metro mula sa pinangyarihan ng aksidente at umabot sa Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Bagamat napitpit ang harapang bahagi ng van, maswerte namang walang nasaktan sa tsuper at pahinante nito maging ang tsuper ng nabanggang dump truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niya na isang tinitingnang rason ang mechanical error sa wing van at ang pudpod nitong gulong kaya hindi na gumana.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng mga otoridad ang halaga ng pinsala na tinamo ng dalawang sasakyan maging ang imbestigasyon sa tunay na sanhi ng aksidente.










