Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagtatakda ng price cap sa imported na bigas bilang hakbang upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng presyo nito sa gitna ng pandaigdigang krisis.
Sa kanyang lingguhang vlog, sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. na inatasan na ang Department of Agriculture na pag-aralan ang naturang panukala upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa dagdag-gastos.
Ayon sa Pangulo, layunin ng hakbang na hindi madagdagan ang pasanin ng publiko, lalo na sa harap ng pagtaas ng presyo ng langis na may epekto sa presyo ng mga bilihin.
“Napapag-usapan ang paglalagay ng price cap sa bigas, abangan po natin ito,” ani Marcos.
Tiniyak naman ng Pangulo na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa at patuloy na mino-monitor ang galaw ng presyo sa merkado.
Samantala, patuloy ring pinalalawak ng pamahalaan ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa 177 local government units (LGUs), na target pang madagdagan upang mas marami pang Pilipino ang makinabang sa murang bigas.





