--Ads--

Mas pinaiigting ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela Provincial Office ang kanilang monitoring sa buong lalawigan kasunod ng pagdami ng mga lugar na naideklarang drug-free.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay  Ginoong IA V Jojo Gayuma, Provincial Officer ng PDEA Isabela, tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang pagbabantay at koordinasyon sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at matiyak na mananatiling ligtas sa ilegal na droga ang mga komunidad.

Nilinaw rin ni Gayuma na kahit idineklarang drug-cleared ang isang munisipalidad, maaari pa ring may naitatalang mga kaso, ngunit mas pinag-iigting ang monitoring at pagpapatupad ng mga programa upang tuluyang masugpo ang ilegal na droga.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 14 na munisipalidad at lungsod sa Isabela ang idineklarang drug-free. Kabilang dito ang Cauayan City, City of Ilagan, Mallig, Quezon, Delfin Albano, Sto. Tomas, Santa Maria, Tumauini, Burgos, Roxas, San Mateo, Cabagan, Quirino, at Reina Mercedes.

--Ads--

Paliwanag ni Gayuma, bunga ito ng mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, kabilang ang regular na monitoring, pakikipagtulungan sa barangay officials, at aktibong partisipasyon ng komunidad.

Dagdag pa niya, mahalaga ang patuloy na suporta ng publiko upang mapanatili ang drug-free status ng mga nasabing lugar at maiwasan ang muling paglaganap ng ilegal na gawain.

Samantala, tiniyak ng PDEA Isabela na hindi sila titigil sa kanilang operasyon at monitoring upang mas marami pang bayan sa lalawigan ang makamit ang drug-free status sa mga susunod na panahon.