Binabalangkas na ng Malacañang ang pagbuo ng crisis committee para tumutok at mag-isip ng mga paraan upang matugunan ang epekto ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, isinasapinal na ang mga dokumento para sa pagbuo ng komite kaya hintayin na lamang ito.
Taliwas ito sa naunang pahayag ng opisyal noong nakalipas na linggo na hindi pa kailangan ang crisis committee dahil sapat ang supply ng langis sa bansa.
Naunang iminungkahi ng ilang mambabatas sa Kamara ang pagbuo ng crisis committee kasabay ng pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ganitong paraan ay maayos na maharap ng gobyerno ang epekto ng mataas na pandaigdigang presyo ng langis at makapagpatupad ng contingency measures upang hindi gaanong mahirapan ang mamamayan sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.










