Gumagawa na ng polisiya ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan upang matiyak na makakabili ng sapat na supply ng gasolina at diesel ang mga lokal na magsasaka para sa kanilang mga makinarya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Miko Del Mendo, sinabi niyang kasunod ito ng mga ulat na may ilang magsasaka sa lungsod na nahihirapang makabili ng kinakailangang gasolina o diesel sa mga lokal na gasoline station.
Sa isinagawang committee hearing ng city council, pinatawag ang mga may-ari ng gasoline station at ilang magsasaka upang talakayin ang kakulangan sa suplay. Batay sa panuntunan ng Department of Energy (DOE), may karapatan ang mga magsasaka at mangingisda na makabili ng gasolina o diesel na kailangan nila para sa kanilang operasyon, subalit hindi ito ganap na naipatutupad sa lungsod.
Ipinaliwanag ni SP Member Del Mendo na dahilan umano ng ilang gasoline station ang kakulangan sa suplay ay dahil sa delay ng deliveries mula sa kanilang pinanggagalingan, na umaabot pa ng ilang araw bago makapag-resupply. Gayunpaman, hindi ito dahilan para limitahan ang pagbebenta sa mga magsasaka na talagang nangangailangan para sa kanilang makinarya.
Kaya naman, isa sa mga polisiya na kasalukuyang binubuo ng city government ay ang pag-identify ng mga magsasaka na awtorisadong makabili ng sapat na supply ng gasolina at diesel, kung saan bibigyan sila ng permit o dokumento bilang patunay ng kanilang karapatan.
Ayon pa kay SP Member Del Mendo, layunin ng hakbang na ito na masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga agricultural activities sa lungsod at maiwasan ang anumang pagkaantala sa mga taniman at sakahan.











