Nagsimula na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR) kaugnay ng reklamong inihain ng mahigit 15 magsasaka laban kay Harry Roque at iba pa dahil sa umano’y land grabbing na sumasaklaw sa higit 400 ektarya ng lupa sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa mga complainant, dapat sana silang mabigyan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR). Gayunman, nadiskubre umano nila noong 2020 na nailipat na ang pagmamay-ari ng lupa sa First Bataan Mariveles Holdings Corp. nang walang clearance mula sa DAR.
Iginiit ng mga magsasaka na gumamit umano ng mga pekeng dokumento sa paglilipat ng mahigit 60 land titles.
Sa pahayag ni NBI-NCR Director Melvin Matibag, nabanggit ang umano’y alitan kaugnay ng kaso sa pagitan nina Roque at Ramil Madriaga, na sinasabing nagpakilalang dating bagman ni Sara Duterte—isang alegasyong itinanggi naman ng bise presidente.
Ayon kay Matibag, base sa testimonya ng isang saksi, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sina Roque at Madriaga dahil sa naturang lupa, kung saan sinasabing tinutulungan ni Madriaga ang mga magsasaka na mabawi ang lupang inaangkin nilang iligal na nakuha ng grupong iniuugnay kay Roque.
Dagdag pa ng mga complainant, may koneksyon umano ang nasabing kumpanya sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng case build-up ang NBI upang matukoy kung may sapat na basehan para magsampa ng kaso at kung sinu-sino ang maaaring managot sa umano’y iligal na transaksyon.
Samantala, sa isang pahayag noong Disyembre 2025, mariing itinanggi ni Roque ang mga alegasyon ng land grabbing laban sa kanya.





