--Ads--

Itinalaga ng Iran si Mohammad Bagher Zolghadr, dating mataas na kumander ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), bilang kapalit ni Ali Larijani, dating pinuno ng Supreme National Security Council (SNSC) na napatay sa isang pag-atake ng US-Israel nitong nakaraang linggo.

Inanunsyo ng deputy of communications ni Pangulong Masoud Pezeshkian ang naturang appointment sa X nitong Martes.

Ang SNSC, na pormal na pinamumunuan ni Pezeshkian, ay nagsasagawa ng koordinasyon sa seguridad at patakarang panlabas ng bansa. Kasama rito ang mga opisyal mula sa militar, intelihensiya, pamahalaan, at kinatawan ni Supreme Leader Mojtaba Khamenei.

Ayon sa ulat mula Tehran, ang pagtatalaga kay Zolghadr ay nagpapakita ng intensyon ng pamunuan ng Iran na palakasin pa ang papel ng militar sa kanilang pambansang seguridad. Binanggit pa na anumang negosasyon ay kinakailangang makuha ang kanyang pag-apruba bago maisakatuparan.

--Ads--

Si Mohammad Bagher Zolghadr ay lumaban sa digmaan laban kay Saddam Hussein noong dekada 1980.

Naging hepe siya ng joint staff ng IRGC sa loob ng walong taon at deputy commander-in-chief sa loob ng walong taon pa.

Noong 2005, hinirang siyang deputy interior minister para sa seguridad at pulisya sa ilalim ng pamahalaan ni dating Pangulong Mahmoud Ahmadinejad.

Simula 2023, nagsilbi siya bilang secretary ng Expediency Council, isang makapangyarihang konseho na tagapayo at tagapamagitan sa iba’t ibang sangay ng kapangyarihan at ng supreme leader.