Naglatag ang Supreme National Security Council ng Iran ng anim na bagong kondisyon na dapat umanong matugunan ng Estados Unidos bago tuluyang muling buksan ang Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang pandagat para sa pandaigdigang kalakalan ng langis.
Ayon kay Mohammad Bagher Zolghadr, kalihim ng konseho, mananatiling sarado ang naturang daanan hangga’t hindi itinatama ng Washington ang umano’y maling pagtrato nito sa Iran.
Kabilang sa mga kondisyong inilatag ng Tehran ang pagtigil ng mga pagbabanta ng Estados Unidos laban sa Iran at paggalang sa pambansa at panrelihiyong mga pagpapahalaga ng bansa. Hiniling din nito ang permanenteng pagtigil ng mga pag-atake laban sa mga kaalyado ng Iran sa Lebanon, Palestine, Yemen at Iraq.
Kabilang din sa mga kahilingan ang pag-atras ng mga puwersang pandagat at panghimpapawid ng Estados Unidos sa paligid ng Iran, pagbabayad ng kompensasyon sa pinsalang dulot ng dalawang umano’y “ipinataw na digmaan,” pag-alis ng mga economic sanctions, at walang kondisyong pagpapalaya sa mga nakapirming ari-arian ng Iran sa ibang bansa.
Samantala, sinabi rin ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na nakasalalay ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz sa pagtanggap ng Estados Unidos sa mga kondisyong ito at hindi umano ito konektado sa kasalukuyang negosasyon sa pagitan ng Iran at Oman.
Ayon sa tagapagsalita ng IRGC na si Hossein Mohebbi, agad na bubuksan ang Strait of Hormuz kapag tinanggap ng Washington ang mga hinihingi ng Tehran.
Lumalabas na mas pinalawak ng Iran ang mga bagong kondisyon kumpara sa memorandum na inilabas noong Hunyo, dahil hindi lamang nito tinatalakay ang usapin ng Strait of Hormuz kundi pati na rin ang mas malawak na mga isyung pampulitika, militar at pang-ekonomiya.
Samantala, iginiit naman ng isang opisyal ng Estados Unidos na aalisin lamang ang mga restriksiyon sa mga pantalan ng Iran kapag naibalik na ang malayang pagdaan ng mga komersyal na barko sa Strait of Hormuz at natupad ng Tehran ang mga kaukulang pangako nito.






