Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang tindera matapos na hindi siya payagang makapagnegosyo ng lokal na pamahalaan, kahit na nakumpleto na ang lahat ng kinakailangang requirements.
Sa panayam kay Ginang Jhusielyn Aquino, tindera ng isda at iba pang seafood sa Dagupan, San Mateo, Isabela, sinabi niyang nakaranas siya ng panghaharass mula sa mga opisyal ng barangay at kawani ng munisipyo, kabilang ang Municipal Engineer, BPLO, PNP, at iba pang empleyado ng lokal na pamahalaan, na pilit silang pinaalis at pinahakot ang kanilang paninda.
Ayon kay Aquino, nakumpleto na niya ang lahat ng papeles at magbabayad na lamang sana para sa application, subalit agad silang pinapaalis mula sa inuupahang talipapa. Nitong Lunes ng tanghali, nagtungo ang mga kawani ng munisipyo at PNP sa kanilang pwesto at sinabing kailangan na silang lisanin.
Nagbanta rin ang Municipal Engineer na ipapabackhoe ang kanilang pwesto kung hindi sila aalis, bagama’t iginiit ni Aquino na sumunod siya sa lahat ng panuntunan at kumuha ng kinakailangang dokumento upang makapagnegosyo nang legal.
Aniya, pitong araw pa lamang ang nakalipas mula nang magbukas sila ng negosyo sa lugar nang maranasan nila ang ganitong sitwasyon. Dagdag pa niya, marami umanong nagrereklamong vendors ang wala nang mabentahan, subalit hindi ito dapat dahilan upang parusahan ang mga sumusunod sa tamang proseso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Greg Pua ng San Mateo, Isabela, nilinaw niya na walang ipinasarang negosyo at ang kaso ni Ginang Jhusielyn Aquino ay bunga lamang ng maagang pagbubukas ng negosyo bago makumpleto ang kinakailangang permits at requirements.
Ayon kay Mayor Pua, ang mga fresh seafood at isda ay dapat ibenta lamang sa loob ng public market upang matiyak na sumusunod sa mga regulasyon at inspeksyon para sa ganitong uri ng produkto.
Giit niya, hindi pinapayagan ang pagtatayo ng puwesto sa labas ng pamilihan at ang pagbebenta ng fresh seafoods sa labas, dahil may mahigpit na inspeksyon at health standards na kailangang sundin upang maprotektahan ang kalusugan ng mamimili.
Dagdag pa niya, kapag nakumpleto na ng vendor ang lahat ng requirements at naisumite sa munisipyo, saka malalaman kung kwalipikado ang tindahan para sa pagnenegosyo.
Aniya, si Ginang Aquino ay wala pang Mayor’s Permit, Zoning Clearance, at Building Permit nang magbukas ng negosyo. Nang malaman ng ibang vendors sa loob ng pamilihan na katulad din ang produkto ng nasabing tindera, nagreklamo rin sila dahil sa hindi patas na kompetisyon at paglabag sa patakaran.
Nilinaw ni Mayor Pua na hindi harassment ang ginawa sa tindera, kundi pagpapatupad lamang ng batas at regulasyon upang mapigilan ang iligal na pagnenegosyo at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Mungkahi niya sa Ginang na maghanap na lamang ng bakanteng pwesto sa wet section ng public market at doon ito magnegosyo.








