--Ads--

Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang senior Citizen mula sa Buena Swerte, Cauayan City hinggil sa pagkakatanggal ng kaniyang pangalan bilang social pensioner.

Sa panayam Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edilberto Menor, sinabi nito na noong 2025 ay siyam na buwan siyang hindi nkaatanggap ng kaniyang buwanang pension dahil siya ay pensioner din ng Social Security System (SSS).

Gayunman, nakuha rin niya ang 9,000 pesos na hindi niya natanggap ng siyam na buwan matapos siyang abisuhang magtungo sa Lungsod ng Tuguegarao.

Pagsapit aniya ng 2026 ay mayroon na ulit siyang pangalan para sa mga tatanggap ng pension para sa unang tatlong buwan ng taon. Subalit sa sumunod na payout ay natanggal na ang kaniyang pangalan.

--Ads--

Hindi naman umano ipinaliwanag sa kaniya ng mga concerned personnel kung bakit hindi siya tatanggap na pension. Gayunman, mayroon umano siyang natatanggap na impormasyon mula sa kung sinu-sinong indibdiwal na ang pagkakatanggal ng kanyang pangalan ay dahil sa pagiging pensioner niya ng SSS.

Aminado naman umano siya na kapag may SSS pension na ang isang senior citizen ay awtomatikong hindi na makatatangap ng social pension subalit tila hindi umano patas ang ahensya dahil may ilan naman umanong SSS pensioner ang tumatanggap pa rin ng kanilang social pension, samantalang siya ay natanggal na.

Samantala, maliban kay Menor ay mayroon ding isa pang Senior Citizen sa Lungsod ng Cauayan ang dumulog din sa Bombo Radyo kaugnay sa mga Social Pensioner na yumao na subalit hindi pa rin natatanggal ang kanilang pangalan sa listahan ng mga tumatanggap ng pension.