Isang 19-anyos na puting mustang na nagngangalang Gringo at ang kanyang trainer na si Lauryn Zepeda ang opisyal na nakapagtala ng Guinness World Record para sa titulong “most tricks performed by a horse in three minutes”.
Naitala nila ang kahanga-hangang 38 tricks sa loob lamang ng 2 minutes and 47 seconds noong March 5. Ayon kay Zepeda, ipinanganak na wild horse si Gringo bago ito inampon mula sa gobyerno. Sampung taon na silang nagtatanghal, at sa halip na gumamit ng tradisyonal at madalas ay marahas na pamamaraan sa pagtuturo ng kabayo, gumamit siya ng clicker training at mga treats na karaniwang ginagawa sa mga aso. Dahil dito, hindi itinuturing ni Gringo na trabaho ang kanyang ginagawa kundi isang laro na palaging may kapalit na crackers.
Mahigpit ang naging panuntunan ng Guinness sa nasabing record attempt. Bawal hawakan ni Zepeda ang kabayo at tanging boses at kumpas lamang ang pinapayagan. Kabilang sa mga nagawang tricks ni Gringo ay ang pagtanggal ng kumot sa kanyang likod, paglalaro ng bola, pagwagayway ng maliit na bandila ng USA, pagpapatugtog ng maliit na laruang piano, pag-ihip sa trumpeta, at maging ang pag-pose para sa isang selfie at pag-bow sa dulo ng routine.
Upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay, naghanda sila ng mga tacos at cake para sa mga tao at para kay Gringo. Ayon kay Zepeda, ang record na ito ay nagpapatunay na may mga makataong pamamaraan (humane methods) sa pagtuturo ng tricks mga kabayo, at mas nagiging masunurin ang mga hayop kung pananatilihin itong masaya at walang pilitan.











