Inihayag ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na posibleng ilabas na sa susunod na linggo ang anunsyo kaugnay ng bawas o suspensiyon ng fuel excise tax.
Sa pagdinig ng Legislative Energy Action Development (LEAD) Council nitong Miyerkules, kinumpirma ni Adriano na nakapagsumite na ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) ng rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. base sa kapangyarihang ibinigay ng Kongreso sa ehekutibo.
Binigyang-diin ni Adriano na ang magiging suspensiyon o bawas ay tatagal lamang ng maximum na tatlong buwan dahil sa probisyon ng “automatic reversal” sa batas.
Sakaling maaprubahan, tinatayang bababa ang presyo ng diesel ng P6.70 kada litro, habang aabot naman sa P11.00 ang matitipid sa bawat litro ng gasolina, kasama na ang mababawas na Value Added Tax (VAT).
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Gabriela Rep. Sarah Elago sa tila kawalan ng “sense of urgency” ng gobyerno, habang siniguro ng opisyal na magiging epektibo ang hakbang 15 araw matapos ang opisyal na publikasyon nito.











