Arestado ang labinlimang indibidwal matapos maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na sabong sa Dianao, Cauayan City, Isabela kahapon, Abril 12.
Batay nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang Pulisya mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagaganap na sabong sa isang open field na ginawang improvised cockpit arena.
Agad na rumesponde ang mga operatiba at nadatnan ang iligal na pagsasabong sa lugar at agad na dinakip ang mga sangkot.
Dalawa sa mga naaresto ay mga barangay kagawad habang sampu naman ay pawang mga magsasaka.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na nagawang makatakas habang kasalukuyan ang operasyon.
Nasamsam din sa lugar ang ilang mga manok panabong, ilang mga kagamitan na ginagamit sa sabong, at cash na mahigit ₱50,000 na hinihinalang bet money.
Ang mga naarestong indibidwal at mga ebidensiya ay agad na dinala sa himpilan ng Pulisya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso kaugnay sa paglabag sa Presidential Decree 441 o ang cockfighting law of 1974.











