Ipinakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang pisikal na kondisyon sa harap ng media sa pamamagitan ng maikling pagtakbo at pag-jumping jack sa Malacañang compound, kasabay ng paglilinaw na maayos ang kaniyang kalusugan.
Sa harap ng mga mamamahayag, hinamon ng Pangulo ang mga naglalabas umano ng maling impormasyon tungkol sa kaniyang kondisyon at iginiit na walang katotohanan ang mga kumakalat na tsismis na siya ay may malubhang sakit.
Ayon sa Pangulo, matagal na siyang hindi nagpapaospital maliban sa nakaraang medical check-up, at maayos na ang kaniyang pangangatawan matapos ang mga naunang isyu sa kalusugan.
Sinabi rin niya na patuloy siyang umiinom ng maintenance na gamot para sa high blood pressure at gout, ngunit wala na umano itong malubhang epekto sa kaniyang araw-araw na gawain.
Matapos ang press briefing, lumabas pa sa Malacañang grounds ang Pangulo at muling nag-jogging habang kasama ang ilang miyembro ng media upang ipakita na aktibo at malakas pa rin siya.
Samantala, sinabi ng Presidential Communications Office na ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ng Pangulo sa social media ay posibleng bahagi ng koordinadong disinformation campaign na layuning sirain ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.







