--Ads--

Naging emosyonal si Ramil Madriaga, na umano’y dating bagman ni VP Sara Duterte, habang binabasa ang bahagi ng kanyang supplemental affidavit sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaints laban sa bise presidente.

Ibinunyag din ni Madriaga na mas mabilis umanong nagastos ang P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 kumpara sa naunang ulat, at siya mismo ang nagproseso ng paglabas ng naturang halaga sa loob ng wala pang 24 oras.

Sinabi rin niya na nagsilbi siyang “dummy” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa ilang transaksiyon ng malalaking halaga ng pera, at may mga bank account umano na binuksan sa kanyang pangalan ng mga taong malapit sa dating pangulo.

Ayon pa sa kanyang salaysay, tinalakay umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines ang mga senaryo ng pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025, kabilang ang posibleng pag-atake sa Malacañang.

--Ads--

Sa pagharap ni Madriaga sa House Committee on Justice nitong Abril 14, sinabi niyang naganap ang naturang usapan matapos manumpa si Duterte bilang bise presidente, at kabilang sa mga tinalakay ang mga hakbang sakaling hindi bumaba sa puwesto si Marcos sa 2025.

Dagdag pa niya, tinalakay rin umano ang posibilidad ng pagpaslang sa ilang opisyal ng gobyerno upang magdulot ng malawakang kaguluhan sa lipunan, na maaaring magsilbing batayan para sa pagbuo ng grupo ng mga opisyal militar na maglulunsad ng kudeta.