Nangunguna sa medal tally ang Isabela kasabay ng pagpasok ng karamihan sa kanilang mga atleta sa finals ng iba’t ibang events sa nagpapatuloy na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manolo Bagunu, sports coordinator ng Schools Division Office Isabela, sinabi nito na nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga atleta at kasalukuyan nang nakikipagtagisan sa mga championship games, partikular sa mga individual at team events kung saan nakapagtala sila ng maraming gintong medalya.
Ayon kay Bagunu, kabilang sa mga inaabangan ang finals ng volleyball at iba pang team events kung saan halos lahat ng koponan ng Isabela ay nakapasok sa championship round.
Sa kabila nito, aminado ang opisyal na isa sa mga pangunahing hamon ay ang matinding init ng panahon, subalit agad naman itong natugunan sa pamamagitan ng paglalagay ng “window hours” kung saan pansamantalang itinitigil ang mga laro lalo na sa outdoor events kapag mataas na ang temperatura.
Dagdag pa nito, maayos din ang naging pamamahala sa mga laro tulad ng basketball na ginaganap sa labas, dahil sinisimulan ito nang maaga at itinitigil kapag hindi na ligtas dahil sa init.
Sa ngayon, wala pa namang naitatalang insidente ng pagkahimatay o seryosong health issues sa hanay ng mga atleta, dahil patuloy ang pagbabantay ng medical team at pagpapaalala sa mga kalahok na manatiling hydrated.
Binigyang-diin naman ni Bagunu na layunin ng Isabela na mapanatili ang kanilang pagiging overall champion, kasabay ng pagpapatupad ng iba’t ibang estratehiya upang makasabay sa paghahanda ng ibang mga koponan.
Patuloy aniya ang kanilang pagtutok upang matiyak ang kaligtasan at magandang performance ng mga atleta hanggang sa pagtatapos ng palaro.











