--Ads--

‎Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos masangkot sa kaso ng cattle rustling o pagnanakaw ng baka sa Santiago City.

‎Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jayson,” walang trabaho at residente ng Brgy. Calaocan, Santiago City.

‎Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Police Station 3, bandang alas-12:30 ng madaling araw nitong Abril 17 ay agad na nag-ulat sa mga awtoridad ang isang concerned citizen kaugnay ng pagkawala ng isang baka na pagmamay-ari ng isang 50-anyos na magsasaka mula sa Brgy. Balintocatoc.

‎Lumalabas sa paunang imbestigasyon na may namataang sasakyan na umano’y “kulong-kulong” na may kargang hayop na kahalintulad ng nawawalang baka, dahilan upang magdulot ng hinala sa posibleng pagnanakaw.

‎Dahil dito, agarang naglunsad ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng pulisya, katuwang ang mismong may-ari ng naturang baka, upang matunton ang kinaroroonan ng sasakyan at hinihinalang suspek.

‎Bandang alas-1:10 ng madaling araw, naaktuhan ang suspek habang binabagtas ang kahabaan ng Santiago–Saguday Road sa Purok 1, Brgy. Balaurte. Doon ay natagpuan din ang hinihinalang ninakaw na baka.

‎Agad na inaresto ang suspek matapos ipabatid sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, habang positibong kinilala ng may-ari ang nabawi na hayop bilang kanyang pag-aari.

‎Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at ang ginamit na sasakyan bilang ebidensya.

‎Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 533 o Anti-Cattle Rustling Law laban sa suspek sa piskalya.