Natagpuang wala nang buhay ang isang 14-anyos na lalaki matapos umanong malunod sa bahagi ng ilog sa Purok 6, Soriano Road, Brgy. Rosario, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Robert De Leon ng Brgy. Rosario, sinabi nito na tatlong estudyante umano ang magkakasamang nagtungo sa naturang ilog kahapon upang mamasyal.
Batay sa kanyang salaysay, dalawa lamang umano sa tatlong estudyante ang nakauwi, habang ang isa ay hindi na nakabalik sa kanilang tahanan. Dahil umano sa takot, hindi agad naipaalam ng dalawang kasama ang nangyari.
Nang makarating sa barangay ang impormasyon tungkol sa nawawalang binatilyo, agad itong iniulat sa kapulisan.
Isinagawa ang paghahanap sa lugar hanggang sa matagpuan ang katawan ng biktima bandang alas-3:00 ng hapon ngayong Hulyo 17.
Ayon pa kay De Leon, malaki na umano ang ipinagbago ng katawan ng biktima nang ito ay matagpuan dahil sa matagal na pagkakababad sa tubig. Kinumpirma rin umano ng mga kaanak ang pagkakakilanlan ng nasawi.
Dagdag pa niya, hindi umano ito ang unang insidente ng pagkalunod sa naturang ilog. Dahil dito, muling nanawagan ang pamunuan ng barangay sa mga kabataan at sa publiko na iwasan ang pagligo at pagtungo sa naturang lugar upang maiwasan ang kaparehong trahedya.
Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng kapulisan ang insidente upang matukoy ang kabuuang detalye ng umano’y pagkalunod ng 14-anyos na biktima.











