--Ads--

Tinalakay sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang usapin kaugnay sa kawalan ng sahod ng mga casual employee ng lokal na pamahalaan tuwing holiday.

Ayon kay City Councilor Bagnos Maximo Jr., lumalabas na hindi tumatanggap ng sahod ang mga casual employee kapag holiday, taliwas sa ibang empleyado na may bayad kahit hindi pumasok sa nasabing araw.

Ipinaliwanag ng konsehal na iba ang sitwasyon ng mga casual employee dahil umiiral sa kanila ang “no work, no pay” policy kaya’t walang naibibigay na sahod tuwing may holiday.

Giit pa ni Councilor Maximo, kawawa ang mga apektadong manggagawa lalo pa’t may mga pamilya rin ang mga ito at wala naman silang kontrol sa deklarasyon ng holiday.

--Ads--

Dahil dito, napagkasunduan ng konseho na magpatawag ng committee hearing sa mga susunod na araw kasama ang City Treasury Office, Accounting Office, Human Resource Department, at mga kinatawan ng workers’ association upang masusing talakayin ang naturang isyu.

Layunin ng naturang pagdinig na malinawan kung ano ang legal na basehan ng umiiral na polisiya at kung maaari itong mabigyan ng solusyon para sa kapakanan ng mga casual employee ng lungsod.