Naging produktibo ang isinagawang Mobile Session ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan kahapon, Oktubre 27, 2026, sa isang pribadong pamantasan sa lungsod.
Layunin ng nasabing programa na ilapit mismo sa mga kabataan ang serbisyo at programa ng gobyerno, kung saan aktibong nakilahok ang mga estudyante, student leaders, at mga guro ng paaralan upang maiparating ang kanilang mga hinaing at suhestyon para sa ikabubuti ng Lungsod ng Cauayan. Dinaluhan rin ito ng hanay ng CCPS, POSD, CDRRMO, AT CENRO.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brenn Ezekiel acadiz, isang student leader ng OLPCC, isa sa mga pangunahing concern na kanyang ibinahagi ay ang lumalalang lubak sa bahagi ng Lucas Street na magiging dahilan ng pagka-abala sa mga estudyante na patungo sa naturang eskwelahan.
Ayon sa estudyante, malaking abala ito sa araw-araw na biyahe ng mga mag-aaral na nagmumula sa nasabing barangay, bukod pa sa banta ng panganib lalo na sa tuwing sasapit ang gabi dahil sa kawalan ng sapat na ilaw at hindi pansin ang malalalim na lubak.
Dahil dito, agad namang tiniyak ng Pamahalaang Panlungsod na bibigyan ng agarang aksyon at solusyon ang naturang problema upang masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista at mga estudyante.











