Pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang panukalang ordinansa para sa regulado at kontroladong midstream dredging sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Arnel Lagayan, Acting City Engineer ng Cauayan City, sinabi niyang layunin nitong linisin at palalimin ang piling bahagi ng ilog upang mapabuti ang daloy ng tubig, habang pinangangalagaan ang katatagan ng mga pampang.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan ang dredging sa center channel ng ilog at magtatatag ng 150-meter buffer zone mula sa magkabilang pampang upang maiwasan ang erosion at pagguho ng lupa.
Maaari namang magsagawa ng dredging ang mga kwalipikadong pribadong contractor sa ilalim ng Free Contractor Access Program, ngunit kailangan nilang kumuha ng LGU Dredging Clearance mula sa CENRO at sumunod sa environmental at technical requirements.
Maaari lamang isagawa ang dredging at transport operations mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Ipinagbabawal din ang operasyon sa labas ng aprubadong lugar, paglampas sa itinakdang lalim at dami ng materyales, at pagkasira ng mga halaman sa gilid ng ilog.
Bubuo rin ng City Dredging Monitoring Task Force upang magsagawa ng regular na inspeksyon at tiyaking nasusunod ang mga itinakdang dredging area at buffer zone.











