Pinuna ng kampanya ng Animal Kingdom Foundation na Better Fish, Tomorrow ang isang content creator matapos umanong magpakita ng pagluluto ng buhay na isda sa isang viral video.
Sa naturang video na inupload noong Lunes, makikitang buhay pa at pilit na kumakawala ang ilang isda sa loob ng kawaling nakasalang sa apoy nang buksan ng vlogger ang takip.
Mariing kinondena ng Better Fish, Tomorrow ang nasabing nilalaman, at iginiit na ito ay hindi maituturing na pagluluto kundi isang uri ng kalupitan sa hayop. Binigyang-diin ng grupo na ang isda ay nakakaramdam din ng sakit at likas na nagsisikap na mabuhay kapag nalalagay sa ganitong sitwasyon.
Nanawagan din ang kampanya na huwag i-patronize, i-share, o gawing normal ang ganitong uri ng content, dahil ayon sa kanila ay hindi dapat gawing aliwan ang anumang anyo ng cruelty sa hayop.











