Nagtungo sa Department of Budget and Management (DBM) ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) upang muling igiit ang mas malaking alokasyon para sa umento sa sahod, benepisyo, promosyon, at regularisasyon ng mga guro at iba pang education workers.
Ipinanawagan ng grupo ang P50,000 na entry-level salary para sa mga guro, P36,000 para sa education support personnel, at pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) sa P5,000. Isinusulong din nila ang mas patas at mas madaling ma-access na sistema ng promosyon, pati na ang dagdag na pondo para sa regularisasyon at kumpletong benepisyo ng mga guro.
Ayon sa ACT, hindi tugma ang kasalukuyang kalagayan ng mga guro sa mga pahayag ng pamahalaan na mahalaga ang papel nila sa lipunan. Iginiit ng grupo na patuloy na nahihirapan ang mga guro dahil sa mababang sahod, utang, at maliit na umento sa ilalim ng Salary Standardization Law, na lalo pang nababawasan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Binatikos din nila ang nananatiling P2,000 na PERA mula pa noong 2009.
Kinuwestiyon din ng grupo ang Expanded Career Progression program, na anila ay hindi nakatutugon sa backlog sa promosyon. Ayon sa kanila, karamihan sa halos isang milyong guro ay nananatiling nasa entry-level positions sa mahabang panahon dahil sa limitadong item at pondo.
Hiniling din ng ACT na linawin ng DBM ang aktuwal na budget para sa career progression at kung ilang guro ang talagang maaaprobahan kumpara sa dami ng aplikante.
Samantala, nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ibalik ang tinatayang P43.24 bilyon na umano’y inalis mula sa pondo para sa sahod at retirement benefits sa 2026 national budget at inilipat sa lump-sum allocations para sa mga lokal na pamahalaan.
Sa nalalapit na Labor Day, tiniyak ng ACT ang mas malawak na mobilisasyon kasama ang iba’t ibang sektor para igiit ang umento sa sahod at agarang tulong ekonomiko. Kinuwestiyon din nila ang umano’y prayoridad sa badyet, kabilang ang malalaking gastusing militar at suporta sa dayuhang interes.
Iginiit ng grupo na dapat unahin ng pambansang badyet ang edukasyon, mga guro, at mga manggagawa.











