Umaasa ang mga pamilya ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) noong panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papabor sa kanila ang magiging desisyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong isinampa at iniimbestigahan laban sa kanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Neri Colmenares, human rights lawyer at legal counsel ng ilang pamilya ng mga biktima, na kumpiyansa silang matutuloy ang proseso at makukumpirma ang mga kaso sa ICC. Ayon sa kanya, matibay umano ang mga ebidensyang isinumite kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang patayan sa ilalim ng kampanya kontra droga ng dating administrasyon.
Iginiit din ni Colmenares na mahihirapan umano ang depensa na pabulaanan ang mga alegasyon, dahil batay sa mga ulat at testimonya, may koneksyon ang mga nangyaring operasyon sa mga pahayag at polisiya noong administrasyon ni Duterte. Binanggit din niya ang mga naunang pahayag ng dating pangulo na humihikayat sa agresibong kampanya laban sa ilegal na droga, na kalauna’y itinanggi o nilinaw umano sa harap ng imbestigasyon.
Payo niya sa defense team, itigil na ang delaying tactics at harapin ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga EJK victims.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang proseso sa ICC kung saan sinusuri ang mga isinumiteng ebidensya at argumento ng magkabilang panig bago magdesisyon kung aabot sa susunod na yugto ng paglilitis.










